February 24, 2012, Trece Martires, Cavite- President Benigno S. Aquino attended the symbolic turnover of the 1,500 units of houses for AFP and PNP Personnel. Located at Ciudad Adelina 2 at Baranggay Luciano, Trece Martires City at Cavite and more than 2000 visitors and volunteers attended the event.
Vice President of the Philippines Jejomar Binay arrived 1 hour earlier from the President. In full force for this event were PCOO Secretary Sonny Coloma, National Housing Authority General Manager Chito Cruz, representatives from different districts of Cavite, Mayor Melendres de Sagun, EPPC Commissioner Milagros Kilayko, EPPC Commissioner Cesar Sarino, Cavite Vice Governor Recto Catombuhan and more high profile personnel that made this project possible.
The cost per unit is Php 175,000.00 with more or less than 21 square meters in area per unit. For 1500 units it will be divided equally ( 750 units ) to the PNP and AFP. Actually, the same house design was he one I did for NHA Calauan and honestly speaking, with the same materials and same area,I could do it for Php 100,000.00.
Good news from the President was that there will be another 20,000 more units as a continuing housing program for AFP and PNP. Some media asked if there will also plans of the same project for the teachers. The President told everyone that the future plans will not only be for the teachers but for more Filipinos in need of shelters.
Talumpati ng Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa masagisag na pamimigay ng 1,500 kabahayan para sa AFP at PNP
[Inihayag sa Trece Martires, Cavite noong ika-24 ng Pebrero 2012]
Vice President Jojo Binay; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Sonny Coloma; Vice Governor Recto Cantimbuhan; Mayor Milandres de Sagun Jr.; Representatives Tony Ferrer, and of course, Manong Ayong Maliksi, and PD Barsaga—si PD ho busy ‘pag hapon eh at napakagaling ho talaga dito ho sa Cavite, ‘di ho ba; Representative Roy Loyola; Representative Arnel Ty; Mayor Bambol Tolentino of Tagaytay; siyempre, iyung pinakasikat ho sa araw na ito, si Chito Cruz, General Manager ng National Housing Authority—bagama’t ho may tarpaulin diyan, ako ho ang mangangako sa inyong wala hong balak tumakbo si Chito Cruz dito sa Cavite o doon pa sa ibang lugar na tinayuan ng mga pabahay; ating Chief of Staff Jesse Dellosa; Police Deputy Director General Arturo Cacdac; Commissioner Cesar SariƱo; Commissioner Millie Kilayko of the EDSA People Power Commission; major service commanders; men and women of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police; fellow workers in government; honored guests; mga minamahal ko pong mga kababayan:
Magandang umaga po sa inyong lahat.
Iyung talumpati ko po, pipilitin kong mas maiksi doon sa ating greet list.
Sa kinagisnan nating sistema, madalas pong maikumpara sa kawawang cowboy ang ating mga sundalo’t kapulisan; na nagkukulang kayo sa kakayahang tuparin ang inyong tungkulin dahil sa kakulangan ng kagamitan. Subalit alam naman natin ang hirap ng inyong trabaho at ang tindi ng ibinibigay ninyong sakripisyo. Nagagawa ninyo nang buong-husay ang papel n’yo sa lipunan: Buong-loob kayong nakikipaglaban sa masasamang elemento, rumeresponde sa panahon ng kalamidad upang saklolohan ang nangangailangan, at pinapanatili ang kaayusan sa ating bayan.
Isipin na lang natin: Kapag may inatas kang trabaho sa isang tao, at hindi mo ibinigay ang kanyang mga kailangan; parang tiniyak mo na rin ang kanyang kabiguan. Sa kabilang banda, kapag tinutukan mo ang kanyang pangangailangan at ipinaramdam mo ang iyong suporta, tiyak na maayos niyang magagampanan ang kanyang tungkulin. Ganyan nga po ang diwang isinasabuhay natin ngayon para sa atin pong mga kapulisan at sundalo. Tulad ng ibang sektor, dapat na bigyan kayo ng kakayahang mapaunlad ang sarili upang epektibong makapaglingkod sa bayan.
Nakarating po sa atin ang suliraning hinaharap ngayon ng National Housing Authority sa programa nating pabahay. Ayon sa NHA, bigla raw pong bumuhos ang aplikante para sa mga nais ding maging benepisyaryo nitong programang ating pinapasinayaan; umabot na ito ng mahigit dalawampu’t anim na libo. Nalampasan nito ang dalawampu’t isa at walong daang housing units na target nating ipatayo nito pong taon. Samakatwid, kulang tayo ng mahigit apat na libong bahay para tugunan ang kanilang bilang. Bakit po nangyari ito? Marahil nasanay na ang marami sa inyo sa dating sistema, kung saan nagpapapogi lang ang mga politiko kapag nangako ng pabahay. Kaya sa simula ng programa, hindi ganoon karami ang nagpalista. Subalit nang nakikita na ninyo na talagang nagpapatayo na tayo ng bahay, dumagsa ang mga bagong naniwala at humabol para mapagkalooban ng bagong tahanan. Patunay lang ito po, na itong administrasyon na ‘to, ay may palabra-de-honor na hindi nito sinasayang ang tiwala ng publiko.
Balikan po natin ang dahilan kung bakit nag-umpisa ang programa nating ito. Sa suweldong natatanggap ng isang karaniwang pulis o kawal na naninirahan sa Metro Manila, isang-katlo ay napupunta sa upa ng bahay. Samantalang ang dalawang-katlo ay panustos na sa lahat ng iba pang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kung kapusin, malamang ay mangungutang sila. At kapag nalubog na sa utang, pumapasok na ang pagdadalawang-isip kung mananatili bang tapat o magpapadala na lang sa agos ng bulok na kalakaran. Kaya naman sa ating panunungkulan, agad nating tinugunan ang problema. Wala tayong sinayang na sandali upang makapaghanap ng pondo at maitayo ang mga tahanang magpapagaan sa mga pasanin ninyo. Umaasa tayong maiibsan nito ang kaba ninyo tuwing madedestino sa malayong lugar ukol sa seguridad ng inyong pamilya, at ang agam-agam sa pagbabayad ng mahal na upa sa bahay. Bukod pa sa mga tahanan—sabi po ng NHA, talagang kumpletos-rekados po ang inyong bagong pamayanan. Mula sa mga paaralan—Iyong paaralan, Chito, ay itatayo dito sa lugar kung nasaan ang gym? So itong gym babawiin n’yo? [Laughter] Mayroon na pong may-ari nitong lupang ito—iyong eskuwelahan na itatayo dito at livelihood center. May health center; mayroon pang police action center. Tinitiyak nating ligtas at maayos ang pamumuhay sa inyong komunidad. Ito lang naman ang tama; ang suklian ng serbisyo ang inyong sipag at propesyunalismo.
Bago ko ho iwanan itong topic na ito, talaga hong community ang tinatayo natin dito. Siguro po dapat ito ang isa sa pinakatahimik na komunidad sa Pilipinas, dahil ang residente po dito ay kapwa pulis at sundalo, tama po ba? ‘Pag marami hong akyat-bahay na insidente dito o kaguluhan, baka dapat bawiin natin ang tirahan n’yo. [Laughter] Alam ho n’yo, pati ang karatig lugar, tataas ang halaga ng lupa dahil tahimik itong lugar na ito. Siyempre, kayo na mangunguna sa katahimikan. ‘Pag mayroon hong hindi pinagkaintindihan, huwag naman ho tayong magpakita ng gilas sa pandidigma. Baka puwede magpakita ng gilas ng pitikan ng ilong. [Laughter] Iyan po inaasahan ko sa inyo ha.
Sa pangunguna ng Department of Budget and Management, at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, tuloy-tuloy ang programang ito ng ating administrasyon. Balita ko po, nakakasa na ang plano ng NHA na magpatayo ng 31, 200 housing units pa para sa ikalawang yugto ng ating programa. Dagdag sa good news, kabilang na sa mga makikinabang dito ang mga kawani ng Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection, at Bureau of Corrections na parepareho ring matagal nang nakalimutan bigyang pansin. Makakaabot na rin po ito, tulad ng ating pinangako, sa Visayas at Mindanao.
Iba na nga po ang Pilipinas ngayon kung ikukumpara sa dinatnan nating kalagayan nito. Sa halip na pagdurusa, namamayani na ang liwanag ng pag-asa sa bansa; sa halip na pagdududa, napapasakamay na natin ang kompiyansa ng mundo sa kakayahan nating umasenso.
Hindi po ba’t lahat ng pagbabagong ito ay bunga ng ating pagkakaisa? Hindi ito imbento, at lalong hindi nakuha sa tsamba. Mahalaga ang papel na ginampanan dito ng ating mga pulis at sundalong wagas ang serbisyo-publiko—kayo na nag-aalay ng lakas, panahon, at minsan buhay, sa pagtupad sa tungkulin. Kung magulo ang ating bayan, walang pong negosyanteng maglalakas loob ditong mamuhunan; kung karahasan ang naghahari sa bansa, tikom na bibig at kibit-balikat lamang ang isusukli ng mundo sa mga Pilipino.
Kaya naman karapat-dapat lamang na sa hirap ng inyong trabaho, maramdaman ninyo ang suporta ng ating gobyerno at mamamayan. Kinumpuni natin ang mga sira sa burukrasya upang matiyak na ang pondong nakalaan para sa ating kapulisan at kawal ay dumidiretso sa inyong mga benepisyo at serbisyo. Isinaayos natin ang transaksyon sa inyong hanay, at tiniyak na mangingibabaw ang pananagutan sa lahat ng antas. Bunsod nga po ng matuwid na paggamit ng pondo ang pagtaas ng inyong combat pay sa maikling panahon pa lang ng ating panunungkulan.
Panata ng ating administrasyon na arugain ang mga nagmamalasakit at nag-aalay ng buhay para sa bayan. Kaya naman ikinalulugod ko pong ibalita sa inyong naihahatid na ang iba pang serbisyo sa inyong hanay. Sa ating liderato, labingwalong proyekto sa ilalim ng ating AFP Modernization Program ang matagumpay na nating naisakatuparan. Sa nakalipas na isang taon at pitong buwan, nakapaglaan na tayo ng mahigit dalawampu’t walong bilyong piso, na malapit nang pantayan ang tatlumpu’t tatlong bilyong pisong pondo na ipinagkaloob ng lahat ng mga nakaraang administrasyon sa loob ng labinlimang taon sa nasabing programa.
Ulitin ko lang po—minsan lang ako magtataas naman ng bangko—iyong nauna po sa akin, pinagtulung-tulungan nila in 15 years to deliver 33 billion pesos for the AFP modrnization program. Through our efforts, we have delivered 28 billion in roughly about 17 months. Siguro okey na rin ho iyon.
Hindi man natin matutugunan nang ura-urada ang mga kakulangan sa inyong hanay, makakaasa kayong tuloy-tuloy na ang pagpapaunlad natin sa inyong kakayahan at mga kagamitan para matigil na po ‘yung imahe na kawawang koboy. Sa ating mga kawal, naglalayag na sa ating karagatan ang BRP Gregorio del Pilar, ang kauna-unahan nating Hamilton class cutter. Ang maganda rito, marami pang makabagong mga sasakyan at kagamitang tulad nito ang paparating na sa ating pong bansa. Lumanding na sa bansa ang apat na brand new combat utility helicopters para sa Philippine Air Force, at parating na ang apat pa. [Applause] Isama na rin natin dito ang mga makabagong armas at ibayo pang pagsasanay sa inyong hanay. Suportado din po natin ang inilunsad ninyong Defense Acquisition System nitong Enero na magsasakatuparan ng halos isandaan at apatnapung proyekto ng AFP sa susunod na limang taon. Sa hanay naman ng kapulisan, napasakamay na ninyo nitong nakaraang taon ang mahigit isandaan at apatnapung Patrol Jeeps, isandaang Patrol Utility Vehicles, isandaan at walumpung motorcycle units, pati na ang mga de-kalibreng armas. Nitong 2011 din nang dumalo sa mga kurso sa pampublikong kaligtasan ang limandaang Police Commissioned Officers at labintatlong libong Police Non-Commissioned Officers upang malinang ang kanilang galing, motibasyon, at pagpapahalaga sa tungkulin.
Hindi tayo nagdadalawang-isip na ipagkaloob sa inyo ang mga ito, lalo pa’t pinapataas nito ang inyong kompiyansa at moral sa pagtatrabaho. Ilang beses na nga pong pinatunayan ng ating mga kawal at kapulisan ang matagumpay na pagtaboy sa mga naghahasik ng takot at kaguluhan sa ating bayan. Kamakailan lang, inatake ang BJMP sa Kidapawan ng mga kawatan.
Nagpasabog man ng rocket-propelled grenade at nagpaputok ng high-powered rifles ang mga salarin, hindi nagtagumpay ang plano nilang itakas ang bilanggo na humaharap sa kaliwa’t kanang kaso. Talaga pong pati BJMP tumitibay na nang husto. Kaya naman ang buong bayan ay nagpupugay sa dedikasyon at kabayanihan ng ating mga tagapagtanggol ng bayan.
Sa ating mabuting pamamahala, patuloy nating susugpuin ang kaisipang wang-wang sa inyong hanay. Heneral ka man, Hepe, o bagito pa lamang sa serbisyo; basta’t kapakanan ng taumbayan ang nasa isip mo, katuwang ka na ng ating gobyerno; hangga’t nananatili kang tapat sa sinumpaan mong tungkulin, kikilalanin natin ang napakahalaga mong ambag sa ating pong bansa. Makakaasa kayo sa tuloy-tuloy pang pagsisikap ng ating administrasyon upang bantayan ang inyong kapakanan.
Bahagi rin ng pagtitipon natin ngayon ang pangangamusta sa mga kababayan nating biktima ng bagyong Sendong sa Cagayan de Oro. Sa pagtutulungan ng lokal na gobyerno ng Cagayan de Oro, ng Gawad Kalinga, at ng Berjaya Group of Companies; pinapatibay natin ang pundasyon ng pagbangon ng mga pamilyang tinamaan ng sakuna sa sama-samang pagtatayo ng tahanan para sa kanila. Nangako din pong magpatayo ng limang libong housing units ang San Miguel Corporation sa Iligan at Cagayan de Oro. Makakaasa po kayong sa ipapatayo nating pabahay para sa mga nasalanta, tinitiyak nating malayo na ito sa peligro, at hindi na muli kayo makakaranas ng pangamba sa pagdating ng mga bagyo sa atin pong bansa.
Ang pangako po sa atin, Hunyo nitong taon na ‘to, ‘yung unang limanlibong pabahay diyan sa mga lugar na nabagyo. Hindi naman ho lahat n’on sa NHA; nandiyan po ang Gawad Kalinga, Habitat, at ang ating mga LGU.
Sa ating pagbabayanihan, magsisilbing lunsaran ang inyong bagong tahanan ng isang normal na pamumuhay.
Sa pagkakaisa nating ito, walang dudang isinasabuhay natin ang diwa ng People Power. Ngunit sa mga nangyayari at nababalitaan natin sa ating bansa, malinaw na hindi pa tapos ang labang inumpisahan sa EDSA noong 1986. Kailangan ko ng tulong ninyo upang tapusin ang labang ito. Magpapaloko pa ba tayo sa mga sakim at nagpakasasa sa puwesto? Paghahariin ba nating muli ang mga nagdulot ng kahirapan sa bansa? Hindi, palagay ko, tayo papayag. Kasama ang sambayanan, itinutuwid na natin ang maling sistema sa ating lipunan. Isipin na lang po natin ang pagdating ng panahon kung kailan ipapamana na natin sa susunod na henerasyon ang Pilipinas na talaga namang ibang-iba sa atin pong dinatnan: Hindi po ba’t ganap ang ating magiging kasiyahan dahil kasama tayo sa pagsasakatuparan ng pagbabagong ito. Tuloy-tuloy na po tayo sa tagumpay sa inyo pong tulong.
No comments:
Post a Comment