Wednesday, August 31, 2011
Tunay na Filipino
Agosto ay buwan ng wika sa kadahilanang sa buwan ding ito ipinanganak ang tinaguriang “Ama ng wika” na ating dating pangulong “Manuel Luis Quezon.” Sa pag gunita ay halos karamihan sa mga paaralan ang nag utos sa kani kanilang mga estudyante na magsuot ng pambansang damit na kapareho ng mga sinuot ng ating mga ninuno, tulad ng Filipiniana, Barong at Saya.
Nagkaroon din sa bawat paaralan ng tinatawag nilang “Lingo ng wika” na kung saan iba't ibang patimpalak sa wikang tagalog ang ipinakita at ipnamalas ng mga estudyante o mag aaral. Nagpakita ng galing sa pagtula ng tagalog, sa pagsayaw ng tinikling at ipinamalas rin ang talento sa pagkanta at pag gamit ng ating sariling wika.
Sa ibang pribadong eskwelahan kung saan ang mga mag aaral ay galing sa iba't ibang bansa o tinaguriang “International School”, ang wikang ingles ang karaniwang ginagamit dito upang matugunan ang pangangailangan ng ibang dayuhan o ng ibang Filipino na lumaki sa ibang bansa na ang wikang nakasanayan ay ingles. Marami rin sa mga pribado at masasabi rin nating mamahaling eskwelahan na ang “Usual” o “medium” na pananalita ay sa wikang banyaga o ingles.
Natutuwa at humahanga ang iba nating mga kababayan sa mga batang nakapagsasalita ng tuwid na ingles kahit lumaki dito sa Pilipinas na ang karaniwang salita ng lahat ay tagalog. Ang iba ay nagiisip na maaring sa eskwelahan nakuha o natutunan ng ingleserang bata ang kanyang pananalita kung kaya't karaniwan ay naitatanong kung sa anong paaralan ito napasok.
May mga batang pinalaki ng magulang sa salitang ingles kahit na sa pilipinas naninirahan, ito ay hindi sa kadahilanang nandidiri o nilalait ng magulang ang sariling wika kundi upang sa paglaki ng bata ay hindi maging banyaga dito ang salitang ingles na karaniwang ginagamit sa pag aaplay ng trabaho lalo nat ang ninanais ay makapang ibang bansa upang magkaroon ng magandang buhay. Sa ngayon ang Pilipinas ay punong puno ng problema buhat sa Ekonomiya at Kurapsyon ng gobyerno. Makikita at maihahambing ang paninirahan ng ating ibang kababayan sa abroad na kahit na may tinatawag na “recession” sa kanila ay mas higit pa rin ang ganda ng mga benepisyong naibibigay sa kanila ng gobyerno tulad ng sa ospital, pagpapagamot, mga sariwang pagkain at maliit na porsyento ng krimen.
Sa Senado na ating napapakinggan sa ngayon kapag may mga paghaharap sa kaso, wikang ingles ay naririnig natin sa ating mga pinuno ng bayan kahit na nakakatawa ang kanilang mga “accent”. Kapag nakikinig tayo ng balita sa radyo o kaya ay makikinig sa mga “englishpokening dollar” na DJ, para ka na ring nakikinig ng radyo sa ibang bansa dahil sa kanilang “American accent” na sa aking pagmumuni muni at obserbasyon ay mga lumaki sa America ang karamihan. Maririnig rin natin ang pilit sa pag iingles na mga “callers” para lamang marinig sa himpapawid ang kanilang mga tanong o kwentong wala naming kabuluhan. Sa ibang komentaryo o programa ng ating lokal na mga istasyon, karamihan ay ingles rin ang kanilang pananalita at pagtatanong kahit Filipino rin ang kanilang kinakausap. Ano ang kadahilanan ng ganitong mga gawi? Ang pagsasalita ba ng ingles o banyagang salita ay isang kabawasan bilang Filipino? Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit salitang Espanyol ang orihinal na ginamit ng ating pambansang bayani na si Gat Jose P. Rizal ng isinulat nya ang Noli Me Tangere at El Filibusterismo na nagpaigting ng damdamin nila Andres Bonifacio at naging sindi naman ng kanyang kamatayan.
Bakit may Ingles na “subject” sa paaralan na ating sinasaulo at gusting matutunan? Bakit ang mga nakapag aral sa matas na kolehiyo o nakapagtapos ay nakakintindi ng salitang ingles o nakapagsasalita pa ng ibat ibang lengwahe? Sa pag aaral ni Dr. Jubin Abutalebi na ipinanganak sa Germany mula sa mga magulang na Persian na sa ngayon ay labing dalawang taon ng naninirahan sa Italy at nakapag asawa ng isang Filipina, masisisi moba kung ilang lengwahe ang kaya nyang bigkasin? Masisisi mo ba kung ang anak nya ay mas marami pang lengwahe ang kayang bigkasin ngunit masasabi ring isang Filipino na may pagmamahal sa bayan ng kanyang ina.
Maraming mga lumaki sa ibang bansa ang ating ipinagmamalaki sa ngayon na baluktot ang pananalita ng tagalog gaya ng magkapatid na sikat na sikat sa ngayon buhat sa manlalarong Azkals, proud na proud din tayo sa batang kasama ni Lady Gaga na may bilyong hits sa “youtube” na si Maria Aragon dahil masasbi nating kahit hindi nakakapagsalita ng tagalog ay nananalaytay pa rin sa mga ito ang dugong Filipino. Si Lea Salonga na ngayon ay tinagurian na Disney Legend ay may “accent” na sa pananalita na kung napanood nyo ang “That’s Entertainment” noon na tulad ko ay sadyang inglesera ng matatawag at sa ngayon ay ipinagbubunyi ang kanyang kasikatan na nauna pang tangkilikin ng mga dayuhan sa Broadway dahil sa pag ganap na “Miss Saigon” kesa tangkilikin nating una ditto sa sarili nyang bayan. Tunay ngang walang nauunang sumikat sa sariling bayan gaya ni Charisse na kung hindi napapunta sa show ni Oprah, naka duet si Celine Dion at Nakasama sa Glee ay hindi mapapansin sa lupang kanyang hinirang.
Ano ba ang Filipino? Paano ba maipapakita ang pagmamahal mo sa sarili mong bayan? Paano maging bayani? Paano ka itatangi? Paano mo maipapakita ang iyong pagka Filipino? Nang magsalita ng Tagalog na tuloy tuloy sa kanyang SONA ang maal na Pangulong NoyNoy Aquino ay marami pa ring kritiko ang nagsalita kung bakit tagalog ang kanyang ginamit sa kadahilanang hindi raw nila lubusang maintindihan ito. Sa aking palagay, kahit na anong gawin ng isang Filipino, magsalita man ng tagalog o ingles ay mayroon pa rin kritiko. Ikaw paano mo naipakita ang iyong pagiging tunay na Filipino?
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment