Friday, August 12, 2011

Takbo para sa Kabundukan



Ang “Takbundukan” ay hango sa dalawang salita na ang ibig sabihin ay takbo at kabundukan. Si Father Robert Reyes na kilala sa bansag na “Running Priest” ang nagpasimula ng pagtakbo sa ibat ibang bundok sa Laguna, Batangas at kung saan saang panig ng kapuluan. Ang kanyang mithiin ay upang ipaalam ang kahalagahan ng ating kalikasan at makapagbigay ng eduksayon hindi lamang sa kabataan upang pati na rin sa mga namumuno ng bayan mula sa lokal na gobyerno hanggang sa nasyonal.

Si Father Robert Reyes ay nagtapos ng PHD sa University of the Philippines, Diliman na may kursong Cultural Anthropology. Sya ay nabansagan ding ‘Aktibistang Pari” sa kadahilanang hindi sya nangingiming ipakita at sabihin ang kanyang nasasaloobin sa gobyerno kahit na taliwas sa mga gustong isulong ng mga opisyal ng pamahalaan.

Agusto 1, 2011 ng magsimula ang Takbundukan sa Laguna na nagbuhat sa University of the Philippines Makiling Botanical Garden na nasa bundok ng Makiling sa Los Banos pababa sa Bay. Laguna. Masayang salubong mula sa mga estudyante ng Barangay Maitim ang natunghayan ng grupo. Nagbigay ng pananalita tungkol sa kalikasan si father Reyes sa paaralan ng Brgy. Maitim pagkatapos ay naanyayahang tumungo sa munisipyo ng nasabing lugar na kung saan ang mga estudyante naman ng Liceo De Bay ang nagaantay kasama ang butihing Mayor ng nasabing bayan na si Joe Padrid at ang kanyang mga kasamahan sa munisipyo.


Masaganang pagkain ang inihandog ni Mayor Joe Padrid ng Bay, Laguna sa grupo at nagkaroon ng konting kurokuro tungkol sa pagbabayad ng buwis sa ilang kumpanya na kanyang nasasakupan. Pagkatapos sa Bay, tumakbo ang grupo papuntang Calauan, Laguna na kung saan ay binubuo ng 17 na baranggay at kung saan dumarami na ang populasyon dahil sa National Housing Authority na kinalalagukan sa ngayon ng mga napinsala ng mga bagyo at kalamidad sa ibat ibang panig ng kamaynilaan na humigit kumulang sa 10,000 katao.

Nagaantay na ang natalagang Mayor ng Calauan na si Mayor Felisa “Baby” Lim Berris sa harap ng munisipyo upang salubungin ang mananakbong grupo. Ipinaalam ni Mayora na nagkaroon din noong nakaraang lingo ng “Padyak Calauan “ sa pagoorganisa ng Calauan Police na kung saan siya ay nakilahok. Pagkatapos sa munisipyo ay nagtungo ang grupo kasama si Mayora sa Liceo De Calauan na kung saan ay sumalubong ang mga estudyante ng paaralan na kung saan din ay nagaantay ang butuhing Vice Mayor ng Calauan na si Allan Dong Sanchez at ang principal ng highschool ng nasabing paaralan. Nagbigay ng paliwanag si Father Reyes tungkol sa kahalagahan ng edukasyon, tamang pagtatapon ng basura, eye to eye contact sa pakikipagusap, kahalagahang mawala ang dynasty sa mga namumuno sa pulitika, kahalagahan ng pagmamalasakit sa kalikasan at mga hindi magandang naidudulot ng pagpunta sa mall na kung saan kanyang binanggit na mas makakatipid kung sa mga bundok na lamang napunta ang mga kabataan sa pagpapalipas ng oras o pamamasyal.


Mula sa Liceo De Calauan ay tumungo ang grupo sa Brgy. Imok sa bayan pa rin ng Calauan sa paanyaya ni Konsehala Vangie Mendoza. Si Konsehala Vangie ay isang magbubukid at environmentalist. Siya ay isa sa namumuno ng isang kooperatiba ng kababaihan sa nasabing barangay na nabigyan ng ibat ibang makina mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) na nakakatulong sa pag asenso ng mga kababaihan.


Mula Barangay Imok ay nagtungo ang grupo sa bayan ng San Pablo City ngunit walang sumalubong sa Diocese of San Pablo City o sa katabing paaralan sa kadahilanang umuulan daw. Mula sa simbahan ay nagtungo ang grupo sa Pamahalaang Lunsod ng San Pablo City upang magbigay pugay na kung saan ang City administrator na si Loreto Amante ang sumalubong kasama ang ilang lokal na mamamahayag at kawani ng pamahalaan.

Pagkatapos sa lungsod ng San Pablo ay nagtungo ang grupo sa bayan ng Alaminos, Laguna na kung saan magtatapos ang takbo sa Laguna sa nasabing petsa.

 Mula August 2, hanggang August 4, 2011 ay nagsimula sa Alaminos ay nagtungo ang grupo sa Sto. Tomas Batangas, umulan o umaraw ay tuloy ang takbo upang maipakita na ang pagmamahal sa kalikasan ay walang pinipiling panahon. Nagkaroon ng pagpupulong mula sa Lyceum of the Philippines at si Father Reyes na kung saan ang mga estudyante ay bumanggit ng kanilang hinaing tungkol sa pagwasak ng ilang kapitalista sa mga bundok na ginagawang mga subdivision sa kanilang lugar na sa kanilang plagay ay sanhi ng pagbaha sa kanilang lugar.

Nang sumapit ang grupo sa SM city sa Calamba ay nagkaroon din ng pakikipagugnayan ang mga opisyal ng mall kasama ang mga magsasaka na sumusuporta sa adbokasiya ni Father Reyes, ang mga magsasaka ay galing pang Canlubang na kung saan sa kasalukuyang panahon ay humihingi ng tulong sa pamahalaan upang maibigay ang kanilang hinihinging lupa na kanilang sinaka na sa ngayon ay ipinagkakait ng may ari na halos 500 hectares na lupain.

Mula Calamba ay bumalik ang grupo sa Los Banos, Laguna upang makadaupang palad naman ang mga estudyante ng Liceo De Los Banos. Ipinahayag muli ni Father Reyes ang kahalagahan ng edukasyon sa mga mag aaral pati na rin upang makapag pugay sa mga bayani ng kalikasan na nagbuwis ng buhay sa pakikipaglaban para sa pagpepreserba ng kagubatan.


Nagtapos ang pagtakbo sa pamamahinga sa damuhan kasama ang mga magsasaka. Ang ibang mananakbo ay nagmungkahi na maulit muli ang pagkakataong kanilang naranasan upang maipamahagi ang impormasyon na kailangan upang magsilbing gabay sa pagmamahal ng kabataan sa kalikasan.


Ang kahalagahan ng pagbibigay ng edukasyon sa kabataan ang magsisilbing ilaw para sa kanilang kinabukasan. Ang kalikasan ay iisa lamang na kung saan ay kailangang mapangalagaan dahil ito ang ang ating ginagalawan. Disiplina ay kailangan upang makamit ang ganitong hangarin. Sa panahon ngayon na nagiiba na ang klima at ito ay atin ng nararamdaman at kalamidad ay natutunghayan, kailangan nating lahat na magkaisa, bata o matanda upang hindi na umulit pa ang Milenyo o Ondoy na ating kinatatakutan.

Paghahanda ang kailangan at paguumpisa na mahalin ang kalikasan ang gustong ipamahagi ni Father Robert Reyes. Kasama ang ilang mananakbo mula sa Department of Environmental and Natural Resources, Do it right advocacy at mga pribadong mamamayan na nagaadbokasiya sa kalikasan ay nagsusulong upang maintindihan ang kahalagahan ng tamang pagtatapon ng basura, Zero waste, Recycling, pagtatanim, bawal magsunog o magkaingin, kwalidad na edukasyon para sa kabataan at malinis na pulitika.


No comments:

Post a Comment